2026 IJRSE – Volume 15 Issue 20
Available Online: 25 August 2026
Author/s:
Fajardo, Loraine N.
Castor Z. Concepcion Memorial National High School, Philippines (loraine.fajardo@deped.gov.ph)
Abstract:
Ang patuloy na hamon ng mababang antas ng kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral na Pilipino, na makikita sa mga pandaigdigang pagtatasa tulad ng PISA, ay nagpapakita ng seryosong suliranin sa kalidad ng edukasyon sa bansa. Bilang tugon dito, sinuri ng pag-aaral na ito ang bisa ng Word Mapping na tala-gawain bilang interbensiyon sa pagpapahusay ng kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa ika-siyam na baitang. Partikular na tiningnan kung mayroong makabuluhang pagkakaiba sa pag-unlad ng mga mag-aaral na sumailalim sa interbensiyon kumpara sa mga naturuan sa tradisyonal na pamamaraan. Ginamit ang quasi-experimental two-group pretest–posttest design kung saan sampung (10) mag-aaral na nasa Frustration Level (word level) mula sa Castor Z. Concepcion Memorial National High School sa Taong Panuruan 2025–2026 ang pinili at hinati sa kontrol at eksperimental na grupo. Ang Language Enhancement Through Reading Assessment (LETRA) ang nagsilbing pangunahing instrumento sa pauna at pangwakas na pagtataya. Ang eksperimental na grupo ay tumanggap ng interbensiyon sa pamamagitan ng Word Mapping na tala-gawain sa loob ng anim na linggo, habang ang kontrol na grupo ay nanatili sa karaniwang pamamaraan ng pagtuturo. Ipinakita ng mga resulta na ang parehong grupo ay nagsimula sa mababang antas ng kasanayan sa pagbasa (M = 7.4 sa eksperimental at M = 7.2 sa kontrol). Pagkatapos ng interbensiyon, ang eksperimental na grupo ay umangat sa antas na Mataas (M = 14.8), habang ang kontrol na grupo ay nanatili sa antas na Katamtaman (M = 10.2). Nakapagtala ang eksperimental na grupo ng 100% pag-unlad kumpara sa 41.67% ng kontrol na grupo. Sa pamamagitan ng t-test, napatunayang makabuluhan ang pag-unlad ng eksperimental na grupo, t(4) = −6.45, samantalang hindi makabuluhan ang sa kontrol na grupo, t(4) = −2.10, sa antas na .05. Kaya naman, ang Word Mapping ay isang epektibong estratehiya sa pagpapahusay ng pag-decode at pagkilala sa mga salita. Inirerekomenda na isama ang interbensiyong ito sa mga school-based reading intervention program at magsagawa ng Learning Action Cell (LAC) sessions upang maibahagi ang metodolohiyang ito sa iba pang mga guro.
Keywords: kasanayan sa pagbasa, ponemikong kamalayan, structured literacy, tala-gawain, Word Mapping
DOI: https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26394
Cite this article:
Fajardo, L. N. (2026). Bisa ng Word Mapping na tala-gawain bilang interbensiyon sa kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa Ika-siyam na baitang. International Journal of Research Studies in Education, 15(20), 55-63. https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26394
