Panitikang lokal bilang daluyan ng wika, kultura, at identidad ng mga piling mag-aaral sa Albay

2026 IJRSE – Volume 15 Issue 23

Available Online:  14 November 2026

Author/s:

Matabuena, Sharon R.*
Daraga National High School, Philippines (sharon.matabuena@deped.gov.ph)

Llaguno, Lerna C.
Matnog Elementary School, Philippines (lerna.llaguno@deped.gov.ph)

Abstract:

Sinuri sa pag-aaral na ito ang papel ng panitikang lokal bilang daluyan ng wika, kultura, at identidad batay sa pananaw at karanasan ng mga piling mag-aaral sa Albay. Tiyak na tinukoy ang mga anyo ng panitikang lokal na kinilala, binasa, narinig, at ginamit ng mga kalahok; inilarawan ang kanilang pananaw sa ambag nito sa pagpapanatili ng wika at kultura; sinuri ang mga salik sa kanilang pagpapahalaga; at nagpanukala ng mga gawaing pampanitikan. Gumamit ang pananaliksik ng deskriptibong kuwantitatibong disenyo na nilahukan ng 42 mag-aaral sa Senior High School sa Albay gamit ang total population sampling. Pangunahing instrumento ang talatanungan na sinuri ng mga dalubhasa at pinroseso gamit ang dalas, bahagdan, ranking, at tinimbang na mean. Natuklasan na pinakakilalang anyo ng panitikang lokal ang kantang-bayan (52.4%), samantalang pinakamadalas na binabasa o naririnig ang lokal na komiks (73.8%), at pinakamadalas gamitin ang bugtong at palaisipan (33.3%). Mataas ang pagsang-ayon ng mga kalahok sa kahalagahan ng panitikang lokal sa pagpapanatili ng wika (WM = 4.60) at kultura at identidad (WM = 4.71). Positibong nakatutulong sa kanilang pagpapahalaga ang personal na interes, suporta ng pamilya, paggabay ng guro, at paggamit ng teknolohiya. Gayunman, natukoy ang kakulangan sa mga babasahing Bikolano sa silid-aklatan (WM = 2.45) at limitadong pakikipag-ugnayan sa mga lokal na manunulat (WM = 2.02). Sa mga mungkahing gawain, nangingibabaw ang pagbuo ng podcast at pagsasagawa ng lakbay-aral (76.2%).Ipinahihiwatig ng mga natuklasan ang pangangailangang palawakin ang akses sa mga lokal na babasahin at paigtingin ang mga gawaing pampanitikan, pangkultura, at digital upang mapanatili at maipalaganap ang panitikang Albayano sa mga kabataan.

Keywords: panitikang lokal, wikang Bikol, kultura, identidad, Albay, panitikang Bikolano

PDF

DOI: https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26468

Cite this article:
Matabuena, S. R., & Llaguno, L. C. (2026). Panitikang lokal bilang daluyan ng wika, kultura, at identidad ng mga piling mag-aaral sa Albay. International Journal of Research Studies in Education, 15(23), 143-156. https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26468

* Corresponding Author