Paggamit ng larong labirinto (board at dice) sa pagpapahusay ng mga kasanayan sa wikang Filipino: Isang quasi-eksperimental na pag-aaral

2026 IJRSE – Volume 15 Issue 7

Available Online:  20 June 2026

Author/s:

Porlas, Ana Aubrey
Cebu Technological University-Carmen, Philippines (anaaubrey.porlas@ctu.edu.ph)

Abstract:

Layunin ng pag-aaral na ito na suriin ang bisa ng Labirinto Filipino, larong dice and board na nakabatay sa kultura at sa kasanayan sa wikang Filipino. Nakabatay ang interbensiyon sa mga teorya ng konstruktibismo at game-based learning, na naglalayong mapaunlad ang bokabularyo, gramatika, pag-unawa sa binasa, at motibasyon sa pamamagitan ng interaktibo at kolaboratibong pagkatuto. Gumamit ang pag-aaral ng quasi-eksperimental na disenyo na may pretest–posttest control group, na kinasasangkutan ng 100 mag-aaral mula sa isang pamantasang panlalawigan sa Cebu, Pilipinas. Hinati ang mga kalahok sa eksperimental na grupo na gumamit ng laro bilang kagamitang panturo at sa kontrol na grupo na tumanggap ng tradisyunal na pagtuturo. Nangalap ng datos gamit ang isang beripikadong Filipino Language Proficiency Test (FLPT), Student Engagement and Motivation Survey (SEMS), at isang istrukturadong obserbasyon sa silid-aralan. Sinuri ang daming datos gamit ang deskriptibo at inferensyal na estadistika, kabilang ang paired at independent samples t-test at analysis of variance (ANOVA), samantalang ginamitan ng thematic analysis ang kwalitatibong datos mula sa obserbasyon at focus group. Ipinakita ng resulta na ang grupong eksperimental ay nakapagtala ng makabuluhang pagtaas sa kasanayan sa wikang Filipino kumpara sa kontrol. Bukod dito, nakaranas ang mga mag-aaral ng mas mataas na antas ng motibasyon, pakikilahok, at kolaborasyon sa paggamit ng larong. Iminumungkahi ng pag-aaral na ang integrasyon ng mga larong pang-edukasyon na may kontekstong kultural ay isang epektibong alternatibo sa tradisyunal na pamamaraan ng pagtuturo. Binibigyang-diin din nito ang kahalagahan ng makabagong estratehiya sa paglinang ng makabuluhan at makontekstong pagkatuto sa wika.

Keywords: game-based learning, wikang Filipino, kasanayan sa wika, quasi-eksperimental

PDF

DOI: https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26834

Cite this article:
Porlas, A. A. (2026). Paggamit ng larong labirinto (board at dice) sa pagpapahusay ng mga kasanayan sa wikang Filipino: Isang quasi-eksperimental na pag-aaral. International Journal of Research Studies in Education, 15(7), 213-222. https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26834