Paglalakbay tungo sa doktorando: Pag-aaral sa karanasan ng mga nagsipagtapos ng PhD Filipino

2026 IJRSE – Volume 15 Issue 17

Available Online:  22 July 2026

Author/s:

Marbella, Felisa
Sorsogon State University, Philippines (felisa.marbella@sorsu.edu.ph)

Abstract:

Layunin ng pag-aaral na ito na mailarawan ang karanasan ng mga nagsipagtapos ng Doktor sa Pilosopiya sa Filipino (PhD Filipino) bilang isang paglalakbay tungo sa pagiging ganap na doktorando. Gumamit ito ng kuwalitatib-penomenolohikal na disenyo upang maunawaan ang kanilang mga personal na karanasan. Dalawampung (20) nagsipagtapos mula sa Bicol University at Sorsogon State University ang napili sa pamamagitan ng purposive sampling. Isinagawa ang semi-structured in-depth interview at follow-up interview, at ang mga datos ay sinuri gamit ang tematikong pagsusuri. Upang matiyak ang kredibilidad ng pag-aaral, ginamit ang member checking, triangulasyon, at reflexive journaling, kasabay ng pagsunod sa mga etikal na pamantayan ng pananaliksik. Natuklasan na ang mga personal, propesyonal, at panlipunang motibasyon ang nagtulak sa mga kalahok na ipagpatuloy ang kanilang doktorado. Naranasan nila ang mga hamon sa akademiko, pananaliksik, at personal na aspeto, ngunit nalampasan ang mga ito sa pamamagitan ng mahusay na pamamahala sa oras, pagpapaunlad ng kasanayan sa pananaliksik at akademikong pagsulat, suportang sosyal, personal na katatagan, at malinaw na layunin. Nagdulot din ang kanilang paglalakbay ng pagbabago sa pananaw, pagkatao, at propesyonal na pagkakakilanlan bilang mga iskolar ng wikang Filipino. Batay sa mga natuklasan, inirerekomenda ang pagpapalawak ng interdisiplinaryong kurso, pagpapatibay ng kolaboratibong pananaliksik sa pagitan ng mga institusyon, at pagpapalawak ng publikasyon sa mga lokal at internasyonal na dyornal upang higit na maisulong ang Filipino bilang midyum ng intelektuwal na diskurso at pananaliksik.

Keywords: paglalakbay, doktorando, nagsipagtapos, motibasyon

PDF

DOI: https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26317

Cite this article:
Marbella, F. (2026). Paglalakbay tungo sa doktorando: Pag-aaral sa karanasan ng mga nagsipagtapos ng PhD Filipino. International Journal of Research Studies in Education, 15(17), 113-129. https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26317