SALIKSANAY: Mungkahing kagamitang panturo sa pananaliksik sa senior high school

2026 IJRSE – Volume 15 Issue 17

Available Online:  22 July 2026

Author/s:

Castillo, Aljune J.
Mindoro State University, Philippines (aljune.castillo@minsu.edu.ph)

Abstract:

Ang pag-aaral na ito ay naglayong makabuo ng isang kontekstuwalisadong kagamitang panturo na tutugon sa mga natukoy na pangangailangan sa pagtuturo at pagkatuto ng pananaliksik sa Senior High School. Sinuri din sa pag-aaral ang antas ng kasanayan ng mga mag-aaral sa mga kompetensi sa pananaliksik, ang lawak at dalas ng paggamit ng mga estratehiya at kagamitang panturo sa pananaliksik, ang antas ng kontekstuwalisasyon sa pagtuturo, gayundin ang mga isyu at hamong kinakaharap ng mga guro sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto. Gumamit ang pag-aaral ng kuwantitatibo-kuwalitatibong deskriptibong disenyo sa ilalim ng mixed methods approach. Kabilang sa mga kalahok ng pag-aaral ang dalawampu’t dalawang (22) guro at dalubguro sa Senior High School. Ang mga datos ay nakalap sa pamamagitan ng talatanungan, semi-estrukturadong interbyu, dokumentaryong analisis, at pagsusuring pangnilalaman. Sinuri ang mga kuwalitatibong datos sa pamamagitan ng thematic analysis, habang ginamit ang weighted mean at standard deviation sa pag-aanalisa ng mga kuwanlitatibong datos. Batay sa mga natuklasan, lumabas na katamtaman ang antas ng kasanayan ng mga mag-aaral sa pananaliksik. Samantala, madalas na ginagamit ng mga guro ang iba’t ibang estratehiya sa pagtuturo, subalit nananatiling katamtaman ang antas ng kontekstuwalisasyon sa pagtuturo ng pananaliksik. Ipinapakita nito ang pangangailangan ng mas angkop at kontekstuwalisadong kagamitang panturo upang mapataas ang antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Bunga nito, nabuo ang isang kontekstuwalisadong kagamitang panturo na nasa anyong Strategic Intervention Material (SIM) na naglalayong makatulong sa pagpapaunlad ng mga kasanayan ng mga mag-aaral sa asignaturang pananaliksik sa Filipino. Ang kagamitang ito ay dinisenyong nakaangkla sa natukoy na pangangailangan sa pagkatuto at mga aktuwal na hamon sa silid-aralan. Inirerekomenda sa pag-aaral na ipabalideyt at ipawasto muna ang nabuong kagamitang panturo bago ito gamitin sa aktuwal na implementasyon. Iminumungkahi rin na palawakin pa ang mga susunod na pag-aaral sa iba pang strand ng Senior High School upang masuri ang bisa nito sa iba’t ibang konteksto ng pagkatuto.

Keywords: kagamitang panturo, kontekstuwalisasyon, pananaliksik, senior high school, strategic intervention material

PDF

DOI: https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26310

Cite this article:
Castillo, A. J. (2026). SALIKSANAY: Mungkahing kagamitang panturo sa pananaliksik sa senior high school. International Journal of Research Studies in Education, 15(17), 141-153. https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26310