2026 IJRSE – Volume 15 Issue 14
Available Online: 14 June 2026
Author/s:
Acala, Michell T.
Leyte Normal University, Philippines (michellet_acala@lnu.edu.ph)
Abstrak:
Mula pa sa kasaysayan, ang kababaihan ay nakaranas na ng iba’t ibang uri ng pagtrato, pagtanaw, at mga konstruksyong panlipunan na humubog sa kanilang mga gampanin sa lipunan. Ayon kay Que (2018), nararapat lamang na igalang ang kababaihan dahil sa kanilang mahahalagang ambag sa lipunan at sa kanilang mahalagang pakikipagtuwang sa kalalakihan, lalo na sa pagpapatatag ng pamilya at pagpapaunlad ng pamayanan. Ginamit sa pag-aaral na ito ang kwalitatibong disenyo ng pananaliksik sa pamamagitan ng komparatibong tekstuwal na pagsusuri upang masuri ang mga kontribusyon ng kababaihan sa paghubog ng lipunang Pilipino. Nagsagawa ang mananaliksik ng paghahambing at pagsusuri sa mga piling pag-aaral at tinukoy ang mga umiiral na puwang o kakulangan sa mga natuklasan ng mga ito kaugnay ng mga layunin ng pag-aaral. Tiyak na sinuri sa pag-aaral ang imahen ng kababaihan sa lipunan, ang kanilang mga gampanin, at ang kanilang mga ambag sa pag-unlad ng sambayanang Pilipino. Lumabas sa mga natuklasan na ang kababaihan ay may iba’t iba at mahahalagang kontribusyon sa paghubog ng lipunang Pilipino na masasalamin sa kanilang imahen at mga tungkuling ginagampanan sa lipunan. Ang mga ambag na ito ay nakaugat sa kasaysayan, paniniwala, tradisyon, at kultura ng Pilipinas. Sa kabila ng mga karanasan ng diskriminasyon at pang-aapi sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan, patuloy na naipakikita ng kababaihan ang kanilang lakas, katatagan, kakayahang mamuno, at kakayahang makapag-ambag sa iba’t ibang larangang panlipunan, pangkultura, pampolitika, pang-ekonomiya, at pampamilya. Ipinakikita rin ng pag-aaral na mahalaga ang pagkilala at pagpapahalaga sa mga kontribusyon ng kababaihan upang maisulong ang pagkakapantay-pantay at mapanatili ang isang maunlad at makataong lipunan.
Mga Susing Salita: kababaihan, imahen, gampanin, kontribusyon, lipunan
DOI: https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26254
Cite this article:
Acala, M. T. (2026). Kontribusyon ng kababaihan sa paghubog ng lipunang Pilipino: Isang komparatibong pagsusuri. International Journal of Research Studies in Education, 15(14), 171-177. https://doi.org/10.5861/ijrse.2026.26254
